Insurance Commission

Microinsurance

Frequently Asked Questions (FAQs)

Ano ang MICROINSURANCE?

Ang Microinsurance, ayon sa seksyon 187 ng Republic Act (R.A.) 10607, ay isang pinansyal na produkto o serbisyo na akma para sa proteksyong kailangan ng mga mahihirap, kung saan:

  1. Ang halaga ng kontribusyon, prima o mga bayarin na tinuos sa arawang batayan ay hindi hihigit sa pito’t kalahating porsyento (7.5%) ng kasalukuyang pinakamababang araw-araw na sahod o current minimum daily wage ng mga di-agrikultural na manggagawa o non-agricultural workers sa Metro Manila; at,
  2. Ang pinakamataas na halaga ng garantisadong benepisyo ay hindi hihigit sa isang libong beses o one thousand times (1,000x) ng kasalukuyang pinakamababang sahod ng mga di-agrikultural na manggagawa sa Metro Manila.

Ano ang kaibahan ng produktong Microinsurance mula sa mga tradisyunal na produkto ng seguro?

 Regular Insurance ProductsMicroinsurance Products
Maximum PremiumNo Limitation7.5% of the current daily minimum wage rate in Metro Manila, computed on a daily basis
Maximum BenefitNo Limitation1,000 times the daily minimum wage rate in Metro Manila
Policy ContractFull of complex conditionsSimple and easy to understand
Frequency of Premium CollectionMonthly, Quarterly, Semi-Annual, AnnualDaily, Weekly, Monthly, Quarterly, Semi-Annual, Annual
Grace Period30 days/1 month from premium due date45 days from premium due date
Suicide Clause2 years from date of issue or last reinstatement of the policy1 year from date of issue or last reinstatement of the policy
Claims Settlement60-90 calendar days from the submission of complete documents10 working days from submission of complete documents
Contestability PeriodMax of 2 years from date of issue or last reinstatement of the policyMaximum of 1 year from date of issue or last reinstatement of the policy

Mga iba’t-ibang uri ng Micro-Risk Protection Products:

  1. Micro Pre-Need – ito ay abotkayang produkto ng pre-need plans para sa edukasyon, buhay o serbisyong pagpaala-ala (memorial plans), at pensiyon na kasagutan sa pangangailangan ng sektor na mababa ang kita;
  2. Health Microinsurance (Micro Health) – inilaan upang madagdagan at umakma sa pangkalahatang programa ng pangkalusugan ng gobyerno sa pamamagitan ng isang produktong mangagaling mula pribadong sektor. Isa sa mga halimbawa ng produktong maaring gawin ay ang makapagbigay lunas o dagdag na benepisyo sa pasyente tulad ng pag-ayuda sa pananalapi at pag-ayuda sa gastusin sa gamot; at,
  3. Agricultural Microinsurance (Micro Agri) – isang uri ng seguro para sa agrikultura mula sa pribadong sektor upang himukin ang mga ito na gumawa ng mga produkto na angkop sa mga pangangailangan ng kanilang mga kliyente. Kasama din dito ang mga pamantayan batay sa standard indemnity based at parametric based Microinsurance.

Sino ang pinagtutuunan ng Microinsurance?

Ang Microinsurance ay para sa mga taong may mabababang sahod dahil sila ang mas hirap makaahon kapag nangyari ang mga di-inaasahan o di-nakini-kinitang pangyayari sa kanilang mga buhay.

Bakit kailangan ng seguro ang mga may mababang sahod at ang impormal na sector?

Katulad ng isang tao, ang mga taong may mabababang sahod at impormal na sektor ay nahaharap din sa mga panganib tulad ng pagkawala ng ari-arian, pagkamatay o iba pang sakuna. Sa pagdating ng ganitong mga pangyayari, nagkakaron ng mga gastusin na kalimitan ay hindi napaghandaan. Ang benepisyo mula sa Microinsurance ay maaring magsilbing agarang ayuda o immediate assistance at mababawasan ang magiging epekto sa kanilang pinansiyal na katayuan. Matutulungan sila ng Microinsurance na makabawi sa mga di-inaasahang pangyayari.

Paano makakabayad ang mahihirap ng kanilang prima sa seguro?

Sa karanasan ng microfinance sa Pilipinas at maging sa buong mundo, napatunayan nang kaya ng mahihirap na magtabi ng bahagi ng kanilang salapi at magbayad ng kanilang utang. Ang prinsipyo ng pagtatabi at pagbili ay maaring gamitin sa Microinsurance upang magkaroon sila ng pagkakataon na makabili ng produktong ito at mararanasan din ang benepisyong dala nito.

Magkakaloob ba ang Gobyerno ng pinansyal na ayuda sa mga nagbibigay ng impormal na seguro upang gawin silang pormal?

Ang Gobyerno ay hindi magkakaloob ng pinansyal na ayuda upang mapabilang sa pormal na sector ang mga indibidwal, grupo o asosasyon na nagbibigay ng impormal na seguro. Sa halip, kasalukuyang naglaan ang Gobyerno ng mga regulasyon upang gawin silang pormal.

Kailangan ng gobyerno ang suporta at katuwang sa pagpapalawig ng kapasidad ng mga impormal na taga-seguro tungo sa pagsasa-pormal ng kanilang operasyon. Ang mga tulong na maaaring ihandog ng mga katuwang sa pagpapalago ay: pagbalangkas ng mga produktong naaakma sa mahihirap, pagtatatag ng talaan at iba pang impormasyon ng mga miyembro at, ang kaalamang pampinansyal.

Ano ang bahagi ng Local Government Units (LGUs) sa Microinsurance? Maaari ba silang magkaloob ng direktang pinansyal na ayuda sa kanilang mga nasasakupan?

Inaasahan na ang mga LGUs ay susuporta sa paglago ng Microinsurance sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sector upang makapamili ng tamang produkto ng Microinsurance. Mahalaga ang mga LGUs sa pagtatatag ng makinarya ng suporta (koneksyon, tulong at impormasyong pampubliko, kampanya para sa kaalamang pinansyal, at iba pa). Maaari din silang tumulong sa kanilang mga nasasakupan upang makapamili sila ng tamang produkto ng Microinsurance na nababagay sa kanila. 

Kailan maituturing ang isang grupo na gumagawa ng impormal na pagseseguro o kahawig na aktibidad?

Ang mga indibidwal o grupo ng mga tao na kung saan walang lisensya mula sa Insurance Commission (IC) ay maituturing na gumagawa ng di-pormal na pagseseguro o kahawig na aktibidad kung: 

  1. Ito ay nangungulekta ng prima, regular na kontribusyon at iba pang bayarin mula sa mga miyembro o kliyente bago pa sumapit ang di-inaasahang pangyayari; at,
  2. Mayroong ginagarantiyahang benepisyo kapag sumapit ang di-inaasahang pangyayari.

Ang damayan o abuloy ay hindi itinuturing na di-pormal na pagseseguro na kung saan ang mga indibidwal o grupo ng mga tao ay kusang loob na nagbibigay ng halaga o pinansyal na kontribusyon bilang tulong sa kanilang miyembro. Ang pinansyal na tulong na ito ay hindi garantisadong benepisyong ibinibigay sa mga miyembro ng isang samahan na dumanas ng di-inaasahan o di-nakikini-kinitang pangyayari.

Anu-ano ang mga paraan na mapagpipilian ng mga grupong gumagawa ng di-pormal na pagseseguro upang ito ay maisa-pormal?

Ang mga grupong ito ay makakapamili sa mga sumusunod na pamamaraan ng pagsasa-pormal:

  1. Pakikituwang sa mga pormal na taga-seguro sa pamamaraan na ng pagbili ng pang-isahan o panggrupong polisiya ng seguro;
  2. Pakikianib bilang miyembro ng isang Mutual Benefit Association (MBA) o ng isang Cooperative Insurance Society (CIS) na lisensyado ng IC. Maaring maging miyembro ng isang MBA ang mga indibidwal samantalang ang mga kooperatiba at mga miyembro nito ay maaring maging miyembro ng Cooperative Insurance Society;
  3. Pagtatayo ng organisasyon para magsumite ng aplikasyon para sa lisensya o certificate of authority sa IC upang maging isang tagapagkaloob ng seguro o insurance provider tulad ng mga sumusunod:
    1. Buhay o Di-Buhay na Kumpanya ng seguro (Commercial Life or Non-Life Insurance Companies);
    2. Mutual Benefit Association; at,
    3. Cooperative Insurance Society

Bakit kailangang isapormal ang di-pormal na operasyon ng pagseseguro o kahawig na mga aktibidad?

Dahil ang mga aktibidad na ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.

Sino ang maaaring magbenta ng mga produktong Microinsurance?

Ang mga produktong Microinsurance ay maari lamang ibenta ng mga grupong lisensyado ng IC tulad ng mga sumusunod: 

  1. Commercial Life Insurance Companies
  2. Commercial Non-Life Insurance Companies
  3. Mutual Benefit Associations (MBAs)
  4. Cooperative Insurance Societies (CISs)

Kasama ba sa Microinsurance ang pagsasaka o sektor ng agrikultura?

Maaaring makinabang sa Microinsurance ang mga pamumuhay ng mga nasa pagsasaka na may mababang kita. Dahil sa mga regulasyon ng IC, may bago at kakaibang produkto ng Microinsurance na nasa larangan ng pagsasaka ang maaaring likhain ng pribadong sector, tulad halimbawa ng produkto ng seguro na nababatay sa klima o panahon.

Ano ang ahente ng Microinsurance?

Ang isang ahente ng Microinsurance ay sinumang tao o grupo na may lisensya mula sa IC upang kumuha o mangalap ng mga kliyente ng Microinsurance para sa isang lisensyadong kumpanya ng seguro. Hindi nila kakailanganing kumuha at ipasa ang pagsusulit na ipinapakuha sa mga karaniwang ahente ng seguro. Sa halip, ipapasailalim sila sa inaprubahang programa para sa pagpapalawig ng kaalaman at pagkatapos nito, dapat nilang ipasa ang isang pagsusulit tungkol sa tinapos na programa. Ang IC ang maglalatag ng mga programang pangkaalaman na dapat pagdaanan ng mga ahente ng Microinsurance.

Ano ang Microinsurance broker?

Ang Microinsurance broker ay isang indibidwal o institusyon na may lisensya ng Insurance Commission (IC) upang mangalap at makipagnegosasyon ng Microinsurance para sa kapakanan ng kanyang mga kliyente. Kailangang magkaroon ng kapital na kalahati ng hinihingi mula sa karaniwang broker ang isang Microinsurance broker.

 

Kailangan din malaman ng mga broker ang pangangailangan ng mga potensyal na kliyente at maari din nilang gawin ang mga sumusunod:

  1. Mag-disenyo ng produkto na aaprubahan ng IC; at,
  2. Alamin at makipagusap mga Microinsurance providers para sa underwriting ng mga ginagawang mga produkto

Ano ang kinakailangan upang maging ahente ng Microinsurance ang mga institusyong may kinalaman sa operasyon ng microfinance?

Maaaring magkaroon ng lisensya bilang ahente ng Microinsurance ang mga insitusyong may kinalaman sa operasyon ng microfinance kung: 

  1. May nakatalagang tagakalap (soliciting agent) ang institusyon;
  2. Magbebenta ng mga produktong Microinsurance sa mga kliyente lamang ng kanilang microfinance ang institusyon; at,
  3. Dapat dumaan sa programang pangkaalaman at pumasa sa pagsusulit para sa mga ahente ng Microinsurance ang soliciting agent.

Ang ibang detalye ay matatagpuan sa Circular Letter 6-2011. Ang nabanggit na circular letter ay nasa website din na ito.

Maari bang makapagbenta ang mga regular na ahente at brokers ng seguro ng mga produktong Microinsurance?

Oo, ang mga lisensyadong regular na ahente at brokers ng IC ay maaaring makapagbenta ng mga produktong Microinsurance bukod pa sa mga tradisyunal na produktong seguro na ibinebenta nila.

Bakit mahalaga ang pinansyal na pangkaalaman sa Microinsurance?

Mahalaga ang pinansyal na kaalaman upang maipalawig ang kaalaman kung paano makakatulong ang seguro sa mga pamumuhay na may mababang sahod. Makakatulong din ito para lumikha ng kultura ang pagunawa sa kabuluhan ng Microinsurance. Hihimukin nito ang mga tagapag-seguro upang gumawa ng mga produktong Microinsurance na naaakma sa mga pangangailangan nila, at mas lalong pagtibayin ang pagtupad sa mga pangakong benepisyo sa panahon ng paniningil.

Sino ang mga bibigyan ng pagsasanay na ukol pinansyal?

Ibinibigay ang pinansyal na pagsasanay sa mga tagapag-seguro at mas lalo’t higit, sa mga kasalukuyan at potensyal na kliyente ng Microinsurance. Tutuon ang mga pagsasanay sa mga sumusunod:

  1. Akmang proteksyong pinansyal mula sa mga panganib;
  2. Mga polisiya at regulasyon ukol sa Microinsurance;
  3. Mga atas at resposibilidad ng tagapag-seguro; at
  4. Mga karapatan at benepisyo ng mga kliyente

Paano malalaman kung lehitimong tagapagbenta ng Microinsurance ang isang kumpanya o asosasyon?

Alamin sa tanggapan ng Insurance Commission (IC) kung mayroong certificate of authority ang kumpanya o asosasyon. Maaring tawagan ang Licensing Division ng IC sa teleponong 8523-84-61 loc. 111/130 o i-email sa licensing[at]insurance.gov.ph, o sa Public Assistance Mediation Division (PAMD) loc. 103/107 o i-email sa publicassistance[at]insurance.gov.ph. Maaari ding tingnan ang listahan ng mga lisensyadong Microinsurance providers sa www.insurance.gov.ph upang malaman kung lehitimo ang mga ito.